Umaabot na sa 9 katao ang patay sa pananalasa ng bagyong “Basyang” na nagdulot ng mga pagbaha at landslide sa Caraga Region at Northen Mindanao, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado.

Sinabi ni OCD Spokesperson Junie Castillo, kabilang sa nasawi ay apat sa Iligan City na inireport ni Iligan City Mayor Frederick Siao. Ang Iligan City ay nasa ilalim ng state of calamity bunga ng pinsala ng bagyo habang isa rin ang nasawi matapos malunod sa Agusan del Norte (CARAGA Region).

Ayon kay Castillo, apat na miyembro ng pamilya kabilang ang isang mag-asawa, mga anak na 13-anyos at isang 11 buwang sanggol ang namatay sa landslide sa Cagayan De Oro City.

Inihayag ni Castillo na bagaman humina at naging Low Pressure Area (LPA) si Basyang, nag-iwan naman ng pinsala sa may 64,360 pamilya o kabuuang 232,550 katao sa nasa 517 barangay sa CARAGA (Region 13); Western Visayas (Region 6); Negros Island Region (NIR) at Central Visayas ( Region 7).

Ayon pa sa OCD, sa nasabing bilang , nasa 16,528 pamilya o 53,983 katao ang nanunuluyan sa nasa 480 evacuation centers habang 4, 499 pamilya o 16,807 katao ang nanuluyan sa mga kamag-anak at kaibigan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, kabilang sa mga naapektuhang lalawigan ay kinabibilangan ng Agusan del Norte, Agusan del Sur, Butuan City, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Aklan, Capiz, Iloilo, Bohol, Cebu, Negros Occidental at Negros Oriental.

Nasa 7,457 na pasahero; 2,558 rolling cargoes, 130 vessels at anim na motorbanca ang stranded sa Northeastern Mindanao, Southwestern Mindanao, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Central Visayas, Southern Visayas, Western Visayas at Southern Tagalog.

Sa huling ulat ng PAGASA, nalusaw na rin ang LPA na dating bagyong Basyang habang papalapit ito sa Sulu Sea kahapon ng hapon.

Samantala, dahil sa inabot na pinsala dulot ng bagyong Basyang, kinumpirma ni Iligan City Mayor Frederick Siao na isinailalim na sa state of calamity ang kanilang lungsod matapos aprubahan ng Sangguniang Bayan ang rekomendasyon para rito.