Patay ang isang siyam na taong gulang na bata matapos makuryente sa bumagsak na high-tension wire sa Barangay Pantoc, San Isidro, Abra nitong Lunes ng hapon.

Ayon sa pulisya, naglalaro sa ulan ang incoming Grade 3 pupil kasama ang kanyang mga kaibigan nang biglang maputol at bumagsak ang kawad ng kuryente na pag-aari ng Abra Electric Cooperative (ABRECO), at tumama sa kanyang paa.

Agad siyang isinugod sa Villaviciosa Medicare and Community Hospital ngunit idineklara siyang dead on arrival.

Ayon sa kanyang ina, si Reychel, matagal na umanong inirereklamo ng mga residente ang depektibong kawad ngunit hindi ito inaksyunan hangga’t hindi nangyari ang trahedya.

Sa pahayag ng ABRECO, nagpahayag sila ng pakikiramay ngunit itinangging may nauna silang natanggap na ulat tungkol sa linya.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng pagkasira ng linya at maiwasan ang kahalintulad na insidente.