
Umaabot sa 400 na indibidual ang nawalan ng tirahan at isa ang nasugatan matapos ang sunog sa isang residential area sa Barangay Tinago, Cebu City kaninang madaling araw.
Sumiklab ang apoy sa Sitio Riverside, Villagonzalo 1, na nagbunsod ng alarma kaninang 5:22 a.m., ayon sa Bureau of Fire Protection sa Cebu City.
Dumating ang mga bombero sa loob ng pitong minuto, subalit lumaki at kumalat na ang apoy sa magkakatabing bahay na halos lahat ay gawa sa light materials.
Nagtagal ang sunog ng halos dalawang oras.
Kinilala ang nasugatan sa insidente na si Jonathan Duterte, 45 anyos, may-ari at isa sa naninirahan sa mga nasunog na mga bahay sa lugar.
Nagtamo siya ng paso sa kaliwang braso at nabigyan na ng medical attention.
Naapektohan sa nasabing sunog ang 90 pamilya, o tinatayang 400 individuals, sa tinatayang 2,400 square meters na lupa.
Tinatayang P3.6 million ang pinsala sa nasabing sunog.
Iniimbestigahan na ang sanhi ng nasabing sunog.










