Naging susi ang Unified 911 hotline ng muling pagsasama ng isang pamilya matapos matagpuan ang isang person with disability (PWD) na halos isang taon nang nawawala.

Batay sa ulat ng pulisyta, 11:25 ng gabi noong Enero 25, 2026, humingi ng tulong ang kapatid ng PWD matapos niyang matagpuan ang biktima sa Nagcarlan, Laguna.

Dahil sa kakulangan sa pinansyal na kakayahan upang maiuwi ito, agad siyang tumawag sa Unified 911 para sa agarang tulong ng pulisya.

Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Nagcarlan Municipal Police Station na nagberipika ng sitwasyon at personal na inihatid ang PWD hanggang sa Tipas, Taguig City Police Station, kung saan siya ligtas na naibalik sa kanyang pamilya.

Kaugnay nito, sinabi ni PNP Chief Nartatez Jr. na hindi lamang pagpapatupad ng batas ang tungkulin ng pulisya kundi ang pagbibigay-proteksyon at malasakit sa mga nangangailangan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa pulisya, ito ay patunay ng pagiging epektibong tulay ng Unified 911 sa agarang tulong ng pamahalaan at kaakibat ng layunin ng PNP Focused Agenda na gawing mas makatao, mabilis, at mapagkakatiwalaan ang serbisyo-pulis.