
Natagpuang patay at nakasilid sa loob ng refrigerator ang isang 30-anyos na babae sa isang apartment sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal.
Ayon sa pulisya, natuklasan ang bangkay nitong Miyerkules matapos mapansin ng landlord ang matinding amoy mula sa apartment at dumami ang mga langaw sa lugar.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na sinakal ang biktima gamit ang lubid bago isinilid ang katawan sa refrigerator at tinakpan ito ng kumot.
Huling nakita ang babae noong umaga ng Setyembre 10 nang tumanggap ito ng delivery. Kinagabihan, nakarinig naman ang mga kapitbahay ng malakas na pagbagsak na pinaniniwalaang mula sa refrigerator.
Itinuturing na person of interest ng pulisya ang lalaking nagpakilalang ka-live in ng biktima. Natuklasan ding peke ang driver’s license na ipinakita nito sa landlord.
Patuloy ang manhunt sa suspek habang inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.










