Nagsagawa ang China ng joint naval at air training exercise sa paligid ng Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal sa West Philippine Sea, ayon sa Chinese military nitong Linggo.

Ayon sa People’s Liberation Army Southern Theater Command, layunin ng ehersisyo na subukan at palakasin ang kakayahan ng kanilang militar sa pagprotekta sa sinasabi nitong territorial sovereignty at maritime rights ng China.

Sinabi rin ng China na tugon ang operasyon sa mga hakbang ng ilang bansa na umano’y nakaaapekto sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Wala pang inilalabas na pahayag ang Philippine Coast Guard at Philippine Embassy sa Beijing kaugnay ng naturang military exercise.

Ang Bajo de Masinloc ay nasa loob ng 200-nautical-mile exclusive economic zone ng Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Noong 2016, sinabi ng Permanent Court of Arbitration na walang sariling exclusive economic zone o continental shelf ang shoal, habang kinilala rin itong traditional fishing ground ng mga mangingisda mula sa iba’t ibang bansa.