Dead on arrival sa pagamutan ang isang 53-anyos na construction worker matapos ma-trap sa hinuhukay na balon ng tubig sa Barangay Balzain East, Tuguegarao City.

Kinilala ang biktima na si Romeo Tumbali, residente ng Peñablanca, Cagayan, na umano’y nasawi dahil sa suffocation o kawalan ng sapat na hangin habang nasa loob ng balon na tinatayang walong metro ang lalim.

Ayon kay Barangay Captain Jimmy Pagulayan, kasama ni Tumbali sa paghuhukay ng balon ang 27-anyos na si Jay-ar Arao na nailigtas naman.

Batay sa salaysay ni Pagulayan, kasalukuyang naghuhukay ang dalawa nang kapusin sila ng hangin habang nasa loob ng balon.

Dahil dito, humingi ng tulong ang dalawa sa kanilang mga kasamahan na nasa ibabaw ng balon matapos silang mahirapang huminga.

-- ADVERTISEMENT --

Agad namang sumaklolo ang residenteng si Jetroffil Callueng.

Nauna umano niyang naitaas at nailabas si Arao bago niya binalikan si Tumbali upang tulungan din itong makaahon.

Gayunman, hindi na umano niya nagawang maiakyat ang 53-anyos dahil maging si Callueng ay nawalan din ng hininga habang nasa loob ng balon.

Ayon kay Pagulayan, nawalan din ng malay si Callueng kaya agad siyang nilapatan ng first aid at kalaunan ay nagkamalay.

Samantala, isinugod ng mga rumespondeng tauhan ng Bureau of Fire Protection o BFP, Philippine Coast Guard at iba pang rescue units si Tumbali sa pagamutan, subalit idineklarang dead on arrival.

Hinala ng punong barangay, nasa 45 minuto nang walang malay si Tumbali sa loob ng balon bago tuluyang naiahon ng mga rescuer.

Bukod sa kakulangan ng hangin, sinabi rin ni Pagulayan na maaaring nakadagdag sa sinapit ng mga biktima ang matinding init ng panahon, lalo’t wala umanong safety gear ang mga trabahador.