
Pinuna ng Malacañang si Vice President Sara Duterte dahil sa umano’y pagiging arogante at kawalan ng kaalaman sa mga isyung kinahaharap nito, kabilang ang P73 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kailangang ipaliwanag ni Duterte ang desisyon ng Commission on Audit na pinal na ibasura ang paggamit ng OVP sa naturang pondo mula Disyembre 22 hanggang 31, 2022.
Sinabi ni Castro na maaaring magpahiwatig ang desisyon ng COA ng iregularidad sa liquidation at paggamit ng pondo, kaya dapat itong sagutin ng bise presidente sa pamamagitan ng angkop na legal na proseso.
Dagdag pa niya, hindi dapat palaging idinadahilan ni Duterte ang kawalan ng kaalaman sa mahahalagang isyu, lalo na kung nais nitong maging pangulo sa 2028.
Samantala, sinabi ng OVP na handa itong tumugon sa desisyon ng COA sa pamamagitan ng mga legal at konstitusyonal na paraan.










