Maaaring makaharap ng Filipina tennis star na si Alex Eala ang kapwa niya manlalaro na sina Leylah Fernandez at Jessica Pegula sa nalalapit na Wuhan Open.

Batay sa isinagawang draw noong Sabado, nakapuwesto si Eala sa Section 4 ng torneo, kung saan posibleng makasagupa niya si Fernandez sa mga susunod na round.

Una munang kailangang harapin ni Fernandez si Ekaterina Alexandrova bago magkaroon ng pagkakataong makaharap ang Pinay tennis star.

Matatandaang nagharap na sina Eala at Fernandez sa Round of 16 ng Mubadala Citi DC Open, kung saan nanaig ang Filipina player sa iskor na 6-2, 7-6(1).

Samantala, posible ring makaharap ni Eala si American tennis star at world No. 3 na si Jessica Pegula sa ikatlong round ng kompetisyon, depende sa magiging resulta ng kanilang mga laban.

-- ADVERTISEMENT --

Sa dalawa nilang naunang paghaharap, tabla ang head-to-head record nina Eala at Pegula, na kapwa may tig-isang panalo laban sa isa’t isa.