Nagpahayag ng pagkadismaya si Senador Sherwin Gatchalian sa naging turnover ng dating opisina ni Senador Jinggoy Estrada na gagamitin ni Senador Vicente “Tito” Sotto III, matapos umanong alisin ang ilang kagamitan at bahagi ng pasilidad.

Ayon kay Gatchalian, halos wala nang laman ang silid kaya mangangailangan pa ito ng panahon at karagdagang trabaho bago muling magamit nang maayos.

Sinabi ng senador na tutulong ang Senado sa pagsasaayos ng opisina, ngunit iginiit na mas mabuti sana kung nagkaroon muna ng maayos na koordinasyon ang dalawang tanggapan bago ang paglilipat.

Nauna nang nagbahagi si Senador Panfilo “Ping” Lacson ng larawang ginawa gamit ang artificial intelligence na nagpapakita kay Sotto sa isang madilim at halos bakanteng opisina.

Kabilang umano sa mga tinanggal ang floor tiles, mga ilaw, glass panels, kabinet at ilang kagamitan sa banyo.

-- ADVERTISEMENT --

Sa panig naman ni Estrada, sinabi ng kaniyang tanggapan na naabisuhan na ang opisina ni Sotto bago ang itinakdang deadline noong Oktubre 5 tungkol sa paglilipat ng mga kagamitan sa bagong opisina ng senador.

Ipinaliwanag din ng kaniyang kampo na karamihan sa mga materyales ay binili gamit ang personal na pera ni Estrada dahil hindi umano sapat ang pondong inilaan ng Senado.

Bilang paghahambing, binanggit ni Gatchalian ang ginawa ni Sotto nang lisanin nito ang sarili niyang opisina, kung saan iniwan pa umano ang mesa at upuan upang hindi na gumastos ang susunod na gagamit nito.

Kinumpirma rin ni Gatchalian na hiniling ng Office of the Ombudsman na siyasatin ang silid. Inatasan niya ang kaniyang mga tauhan na makipagtulungan at tiyaking tama at kumpleto ang mga dokumentong may kaugnayan sa insidente.

Samantala, nagsagawa rin ng inspeksiyon ang Government Service Insurance System (GSIS), na nagmamay-ari ng opisina, upang matiyak ang katatagan at kaligtasan ng istruktura.