
Nagbabala si Senator Robin Padilla na maaari silang magdesisyon ng kaniyang mga kaalyadong senador na tuluyang i-boycott ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kung magpapatuloy umano ang pagbaluktot sa probisyon ng Saligang Batas.
Inihayag ng senador na bagama’t wala pang pormal na talakayan ay malaki ang posibilidad na mangyari ito kasunod ng mga hindi inaasahang pagbabago sa proseso ng paglilitis sa Senado.
Inamin din ni Padilla na pansamantalang hindi muna siya dumadalo sa mismong plenaryo habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema ukol sa petisyong inihain nila ni Senator Christopher “Bong” Go na nagrereklamo sa itinakdang voting threshold para sa conviction ng Bise Presidente.
Iginiit ng mambabatas na sa halip na maupo sa plenaryo ay tinututukan na lamang niya ang bawat pagdinig at testimonya ng mga testigo sa pamamagitan ng telebisyon sa kaniyang tanggapan upang magampanan din ang iba pa niyang tungkulin bilang senador.
Muling pinanindigan ni Padilla na ang kaniyang hakbang ay proteksyon sa Saligang Batas at babalik lamang siya sa pagsasalita sa plenaryo kung may mahalagang punto na kinakailangang ihain sa gitna ng paglilitis.










