
Kinuwestiyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang pagiging patas ni National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag sa pag-iimbestiga sa mga alegasyon ng dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr.
Ayon kay Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ng Bise Presidente, may umano’y conflict of interest si Matibag dahil dati na itong nagsulat ng mga kritikal na artikulo laban kay Duterte.
Giit ni Lim, dapat manatiling propesyonal at walang kinikilingan ang NBI, at hindi dapat gamitin sa mga layuning pampulitika ang ahensiya.
Iniimbestigahan ng NBI ang mga ari-ariang iniuugnay sa pamilya Duterte kasunod ng pahayag ni Gracioso na naghatid umano siya ng mga maleta ng pera kina Sara Duterte, Davao City Representative Paolo Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa utos umano ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Itinanggi ng pamilya Duterte at ni Velasco ang mga alegasyon. Wala pang inilalabas na tugon ang NBI sa mga pahayag ng kampo ng Bise Presidente.










