
Maglalaan ng $500 milyon na puhunan ang Vietnamese conglomerate na Vingroup para magtayo ng planta ng electric vehicles (EV) sa Pilipinas, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Target ng pasilidad na makagawa sa unang yugto ng hanggang 200,000 sasakyan kada taon para sa lokal na merkado at pag-e-export sa ibang bansa.
Inaasahang sisimulan ang konstruksyon sa unang quarter ng 2027, na may tinatayang isang taon hanggang isang taon at kalahati bago makumpleto ang proyekto.
Bukod sa mga de-kuryenteng sasakyan, planong ipakilala ng Vingroup sa Pilipinas ang linya nito ng mga electric scooter.
Ayon sa DTI, kabilang sa mga suportang maaaring matanggap ng proyekto ang mga insentibo sa buwis sa ilalim ng CREATE MORE Act at mas mabilis na pagproseso ng mga permit sa pamamagitan ng Green Lanes.










