
Sinelyuhan ng Magnolia Hotshots ang top seed sa Group B matapos talunin ang Rain or Shine Elasto Painters, 107-103, sa PBA Season 50 Governors’ Cup nitong Miyerkules sa Ynares Center sa Antipolo.
Pinangunahan ng mga batang manlalaro ang Magnolia upang makamit ang panalo kahit nagpahinga ang ilan sa mga karaniwang bituin ng koponan. Nagtapos ang Hotshots sa kartadang 7-3 at naputol din ang kanilang anim na sunod na pagkatalo sa Rain or Shine.
Nanguna si Javi Gomez de Liaño sa Magnolia sa naiskor na 19 puntos, kabilang ang anim na tres sa sampung pagtatangka. Nagdagdag naman si Peter Alfaro ng 17 puntos, kabilang ang dalawang matagumpay na tira mula sa four-point area.
May tig-16 puntos sina Jerome Lastimosa at import KJ Buffen, habang nag-ambag ng 11 puntos ang rookie na si Yukien Andrada.
Sa fourth quarter, nagpasiklab sina Alfaro at Andrada sa 7-2 run na nagbigay sa Magnolia ng 91-83 kalamangan. Nagpatuloy ang pagratsada ni Alfaro sa pamamagitan ng four-point shot at isa pang tres upang maitulak ang kalamangan sa 100-92.
Sinelyuhan naman ni Gomez de Liaño ang mahalagang bentahe sa pamamagitan ng isang tres na nagbigay sa Magnolia ng 107-100 kalamangan bago ang huling pagtatangka ng Rain or Shine.
Nanguna sa Elasto Painters si Adrian Nocum sa naiskor na 25 puntos at anim na rebounds, habang nagtala si Aaron Fuller ng 18 puntos at anim na rebounds.
Sa kabila ng pagkatalo, nakapasok na rin sa playoffs ang Rain or Shine. Samantala, naipagpatuloy ng Magnolia ang sunod-sunod nitong paglahok sa playoffs sa loob ng 23 season.





