Dinurog ng Converge FiberXers ang Macau Giant Pandas, 162-108, sa huling laro ng koponan sa PBA Governors’ Cup nitong Biyernes, Oktubre 16, sa Ynares Center sa Antipolo.

Agad na nagpakawala ng opensa ang FiberXers at nagtala ng 41-19 na kalamangan sa unang quarter. Pinalaki pa nila ang abante sa 79-52 pagsapit ng halftime at hindi na hinayaang makalapit ang Macau hanggang sa pagtatapos ng laro.

Pinangunahan ni Cameron Clark ang Converge sa kanyang 32 puntos, tatlong rebounds, tatlong assists at isang block.

Nagtala naman ng triple-double si Juan Gomez de Liaño matapos magrehistro ng 13 puntos, 12 assists at 11 rebounds, kasama ang tig-isang steal at block.

Nag-double-double din sina Justin Araña, na nagtapos na may 16 puntos at 10 rebounds, at Justine Baltazar, na kumamada ng 14 puntos at 12 rebounds.

-- ADVERTISEMENT --

Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Converge, na umangat sa 7-4 na kartada. Samantala, nagtapos ang kampanya ng Macau sa liga na may dalawang panalo at 10 talo.

Nauwi sa kabiguan ang napakalaking 49 puntos ni Kobey Lam para sa Giant Pandas.