
Patuloy na naghahanap ng solusyon ang Lokal na Pamahalaan ng Enrile, Cagayan sa pagdami ng langaw na iniuugnay sa operasyon ng isang poultry farm sa hangganan ng Enrile at Santa Maria, Isabela.
Ayon kay Enrile Mayor Miguel Decena Jr., nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa ibat- ibang ahensya, kabilang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Environmental Management Bureau (EMB), Department of Health, Lokal na Pamahalaan ng Santa Maria at mismong may-ari ng poultry farm upang matugunan ang problema.
Nagsagawa na rin ng joint inspection, reporting at monitoring sa pasilidad, kasunod ng mga reklamo ng mga residente ng Barangay Roma Norte at Roma Sur.
Binigyang-diin ni Decena na bagamat apektado ang kanyang mga nasasakupan, wala sa ilalim ng Enrile ang permit ng naturang poultry farm, kaya nakikipag-ugnayan sila sa pamahalaan ng Santa Maria at sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang agarang aksyon.
Nanawagan din ang alkalde sa operator ng poultry farm na maging responsable sa negosyo at magpatupad ng pangmatagalang solusyon upang makontrol ang pagdami ng langaw.
Samantala, sinabi ni Barangay Roma Sur Captain Johnny Sabado na matagal nang problema ang pagdami ng langaw sa kanilang lugar.
Ayon kay Sabado, nakipag-ugnayan na siya sa farm management at isinagawa na rin ang pag-spray at pamamahagi ng pampatay ng langaw. Gayunman, hindi umano sapat ang mga hakbang na ito dahil hindi lahat ng residente ay nabibigyan ng naturang produkto at patuloy pa rin ang pagdami ng mga langaw.
Ibinahagi rin ng kapitan na sa nakaraang inspeksyon ay may natukoy na mga butas sa mga lambat o harang ng poultry farm na posibleng pinagmumulan ng paglabas ng mga langaw. Naayos umano ang mga ito noon, ngunit muling lumala ang problema.
Dahil dito, hiniling ni Sabado ang regular na inspeksyon sa pasilidad at agarang pagkukumpuni o pagpapalit ng mga sirang lambat upang maiwasan ang muling pagdami ng mga langaw.
Nababahala naman ang mga residente sa posibleng epekto nito sa kalusugan at pang-araw-araw na pamumuhay, dahil nakararating ang mga langaw sa kanilang mga kusina, bakuran at loob ng mga tahanan. Apektado rin ang mga guro at estudyante ng Roma Sur Elementary School.
Patuloy namang inaasahan ng mga residente ang konkretong hakbang mula sa mga kinauukulang lokal na pamahalaan at ahensya upang tuluyang matugunan ang problema.










