
Iminungkahi ni Mayor Miguel Decena ng bayan ng Enrile, Cagayan ang pansamantalang paghihigpit sa pagpasok ng mga buhay na baboy at karne ng baboy mula sa ibang rehiyon, partikular sa mga lugar na may naitalang kaso ng African Swine Fever o ASF, upang makontrol ang muling pagkalat ng sakit sa Cagayan Valley.
Ayon kay Decena, patuloy na malalagay sa panganib ang industriya ng paghahayupan kung hindi mapipigilan ang pagpasok ng mga baboy at produktong karne na posibleng pinagmumulan ng pagkalat ng ASF.
Iminungkahi rin ng alkalde na ihinto ang pag-aangkat ng karne ng baboy mula sa ibang bansa at payagan ang paggamit ng bakuna laban sa ASF sa Pilipinas bilang proteksiyon sa mga lokal na magbababoy at sa industriya ng babuyan sa buong bansa.
Bukod sa banta ng sakit, ikinababahala rin ni Decena ang pagkalugi ng mga lokal na hog raiser na napipilitang magbenta ng kanilang mga alaga sa mababang presyo dahil sa pangambang mahawaan ng ASF ang mga ito.
Kaugnay nito, sinabi ng alkalde na mahirap sundin ng mga magbababoy ang panawagan ng Price Monitoring Board ng Department of Agriculture Region 2 na huwag magbenta nang mas mababa sa 210 pesos kada kilo ng liveweight ng baboy, dahil sa sobrang suplay ng karne sa merkado.
Aniya, mas pinipili ng ilang hog raiser na maibenta agad ang kanilang mga alaga sa mas mababang halaga kaysa tuluyang malugi kapag tinamaan ng ASF ang kanilang mga baboy.
Lalo pang nangangamba si Decena sa planong pagtaas ng importasyon ng karne ng baboy sa susunod na taon, na aniya ay maaaring magpalala sa kompetisyon at higit na makaapekto sa kabuhayan ng mga lokal na prodyuser.
Batay sa mga bilang na binanggit ng alkalde, nasa 54,210 metriko tonelada ang importasyon ng karne ng baboy ngayong 2026, habang inaasahang aabot sa 204,210 metriko tonelada ang aangkatin sa 2027.
Binigyang-diin ni Decena na nahihirapan nang maibenta ng mga lokal na magbababoy ang kanilang mga alaga sa kasalukuyang antas ng importasyon.
Dahil dito, nangangamba siyang lalo pang babagsak ang kita ng mga hog raiser Lalo na ang kaniyang mga kababayan kapag nadagdagan ang suplay ng imported na karne ng baboy sa bansa.









