Nasagip ng mga awtoridad sa Pampanga ang kambal na sanggol na walong buwan pa lamang matapos umanong dalawang beses ibenta ng kanilang sariling ina.

Ayon sa pulisya, nagsimula ang imbestigasyon noong Agosto matapos ireport ng lola ang pagkawala ng kaniyang mga apo. Lumitaw sa imbestigasyon na unang ibinenta ang kambal sa halagang ₱27,000.

Noong Oktubre 21, natunton ang mga sanggol sa Baler, Aurora, ngunit wala na sila roon nang puntahan ng mga pulis.

Napag-alaman na muli silang ibinenta sa Candaba, Pampanga sa halagang ₱30,000, bago tuluyang nasagip ng mga pulis noong Linggo.

Nasa pangangalaga na ngayon ng Taguig City Social Welfare and Development Office ang kambal.

-- ADVERTISEMENT --

Mahaharap sa kaukulang reklamo ang ina ng mga sanggol at ang mga bumili sa kanila.

Nagbabala naman ang Council for the Welfare of Children na mabigat na parusa ang maaaring kaharapin ng sinumang mapatunayang sangkot sa pagbebenta ng mga bata.