
Asahan ang panibagong paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, kung saan posibleng magkaroon ng malaking dagdag-presyo sa gasolina habang inaasahan namang bababa ang presyo ng diesel.
Batay sa paunang pagtaya ng isang oil industry source, posibleng tumaas ng P2.90 hanggang P3.20 kada litro ang presyo ng gasolina.
Samantala, inaasahang magkakaroon ng bawas-presyo na P0.40 hanggang P0.60 kada litro sa diesel.
Nakabatay ang mga pagtataya sa galaw ng Mean of Platts Singapore trading at average na palitan ng piso kontra dolyar sa nakalipas na apat na araw.
Ayon sa source, patuloy na naaapektuhan ang presyo ng langis ng pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay ng enerhiya sa Middle East bunsod ng nagpapatuloy na mga pag-atake sa rehiyon at posibilidad ng pag-atake ng Estados Unidos sa Iran.
Gayunman, nakatulong naman umano sa pagpigil sa mas malaking pagtaas ng presyo ang pag-asang magkaroon ng pag-unlad sa diplomatikong pagsisikap na wakasan ang sigalot.
Nakatulong din ang pagpapalawak ng suplay ng produktong petrolyo mula sa China at pagpapagaan ng South Korea sa restriksiyon nito sa pag-export ng diesel.
Posible pang magbago ang naturang mga pagtataya depende sa magiging galaw ng kalakalan.
Inaasahang iaanunsiyo ng mga kompanya ng langis sa Lunes ang opisyal na pagbabago sa presyo na ipatutupad sa Martes.
Matatandaang nitong linggo, bumaba ng P0.30 kada litro ang gasolina, habang tumaas naman ng P1.20 ang diesel at P0.50 ang kerosene.




