
Wala umano sa listahan ng Red Notice ng International Criminal Police Organization o Interpol si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, batay sa impormasyong nakuha ng kaniyang legal team.
Ayon kay Atty. Israelito Torreon, abogado ni Dela Rosa, wala umanong sapat na batayan ang pinaigting na hakbang para arestuhin ang senador dahil hindi ito kabilang sa naturang listahan.
Kinuwestiyon din ni Torreon ang paggamit sa Section 17 ng Republic Act 9851 bilang batayan sa pagsuko kay Dela Rosa sa International Criminal Court (ICC).
Paliwanag ng abogado, wala umanong malinaw na rules of procedure na nagtatakda kung paano isasagawa ang naturang proseso, kabilang ang kung saang korte maaaring dumulog ang kaniyang kliyente.
Gayunman, nilinaw ni Torreon na hinihintay pa nila ang pormal na sertipikasyon upang makumpirma ang impormasyon na wala sa Interpol Red Notice list ang senador.
Inamin din ng abogado na wala na silang komunikasyon ni Dela Rosa mula pa noong Mayo.
Sa kabila nito, naniniwala umano siyang nananatili pa rin sa Pilipinas ang senador.










