
Nabigo si Filipina tennis star Alexandra “Alex” Eala na makaganti kay Russian player Diana Shnaider matapos matalo sa kanilang quarterfinals match sa Pan Pacific Open sa Tokyo, Japan nitong Biyernes, Oktubre 30.
Nagtapos ang kanilang dikdikan na laban sa iskor na 2-6, 7-6(5), 6-4 pabor kay Shnaider, na nagpatalsik kay Eala sa torneo.
Maganda ang naging simula ni Eala matapos dominahin ang unang set at makuha ang panalo sa kabila ng maagang pag-abante ng kaniyang katunggali.
Gayunman, bumawi si Shnaider sa ikalawang set na umabot sa tiebreak matapos magtabla ang dalawa sa 6-6.
Naging dikdikan ang palitan ng puntos bago tuluyang masungkit ng Russian player ang ikalawang set at itulak ang laban sa deciding third set.
Sa huling set, nakalamang si Shnaider sa 3-1 at napanatili ang kalamangan sa kabila ng pagtatangka ni Eala na makahabol.
Humingi pa ng medical timeout ang Pinay tennis star sa ikaanim na game matapos makaramdam ng problema sa kaniyang kaliwang paa.
Tuluyan nang naselyuhan ni Shnaider ang panalo sa pamamagitan ng isang ace sa huling game.
Ito na ang ikalawang sunod na pagkatalo ni Eala kay Shnaider matapos din siyang talunin nito sa Ningbo Open sa China kamakailan.
Sa semifinals, makakaharap ni Shnaider si Mia Pohankova na nagwagi kontra Naomi Osaka.
Samantala, susunod na sasabak si Eala sa WTA 250 Hong Kong Open sa susunod na linggo, na magiging huling WTA tournament niya ngayong taon.










