
Tuluyan nang bumagsak mula sa orbit at nasunog sa atmospera ng Earth ang 22-anyos na Swift satellite telescope ng NASA nitong Miyerkules, matapos ang dalawang dekadang pag-aaral sa pinakamalalakas na pagsabog ng enerhiya sa kalawakan.
Ayon sa NASA, muling pumasok sa atmospera ang Neil Gehrels Swift Observatory dakong alas-7:39 ng umaga, oras sa Eastern United States, sa ibabaw ng North Sumatra, Indonesia.
Inaasahang karamihan sa mga bahagi nito ay natupok dahil sa matinding init, bagama’t may ilang pirasong maaaring umabot sa lupa.
Wala namang naiulat na pinsala o nasaktan dahil sa pagbagsak ng mga debris. Nauna nang tinaya ng US Space Force na napakababa ng panganib sa mga komunidad.
Inilunsad noong 2004, dinisenyo ang Swift upang pag-aralan ang gamma-ray bursts o pinakamalalakas na pagsabog ng enerhiya sa uniberso.
Nakatulong din ito sa pag-aaral ng mga supernova, black hole at iba pang bagay sa kalawakan, na nagbunga ng humigit-kumulang 7,000 nailathalang siyentipikong pag-aaral.
Natapos ang operasyon nito noong Oktubre 20 matapos mabigo ang rescue mission noong Agosto na sana ay magtutulak dito sa mas mataas na orbit upang mapahaba pa ang buhay ng teleskopyo.




