Inaasahang magiging mas matatag ang suplay ng kuryente sa Pilipinas sa pagpapalakas ng sariling pinagkukunan ng natural gas, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ang binigyang-diin ng pangulo sa seremonya ng unang pagpapadaloy ng natural gas mula sa Malampaya Phase 4 sa Batangas City.

Ayon kay Marcos, makatutulong ang karagdagang suplay upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa inaangkat na enerhiya na naaapektuhan ng pabago-bagong presyo sa pandaigdigang merkado.

Sa pamamagitan ng Malampaya Phase 4, inaasahang madaragdagan ng 222 billion cubic feet ang mababawi pang reserba ng natural gas ng bansa. Katumbas ito ng tinatayang 31.46 bilyong kilowatt-hours ng kuryente, na sapat para sa mahigit 13 milyong kabahayan sa loob ng isang taon.

Inaasahan ding mapahahaba nang humigit-kumulang anim na taon ang operasyon ng Malampaya dahil sa dalawang bagong balon ng natural gas.

-- ADVERTISEMENT --