TUGUEGARAO CITY-Isinailalim na sa inquest proceeding ang isang ginang na umano’y isang abortionist sa Piat,Cagayan.
Sinabi ni Police Captain Gil Pagulayan, hepe ng PNP Piat na nahuli nila si Remy Domingo,51, ng Brngy. Villarey sa isang entrapment operation matapos na magpanggap na kliente ang isang babaeng pulis.
Ayon kay Pagulayan,umamin naman ang ginang sa kanyang ginagawa matapos na ipakita sa kanya ang palihim na pagkuha ng video sa kanyang panghihilot sa pulis na nagpanggap na buntis.
Sa kanilang pagtatanong sa ginang,sinabi niya na gusto lang daw niyang makatulong sa mga pumupunta sa kanya na umiiyak at gustong magpalaglag.
Sinabi ni Pagulayan na P3,000 ang hinihingi niya bayad mula sa nagpanggap na pulis.
Idinagdag pa niya na magkakaiba umano ang sinisingil ng ginang depende sa laki ng ipinagbubuntis ng kanyang kliente.
Sinabi pa ni Pagulayan na sa kanilang pagtatanong sa mga kakilala at kapitbahay ng ginang ay matagal na umano niya itong ginagawa.