Tinitiyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na anumang paglabag ng sinumang pulis sa kanyang tungkulin ay agad na aaksyunan nang mabilis, matatag, at naaayon sa batas.

Ito ang binigyang diin ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil matapos mag-viral ang naarestong pulis na si Police Staff Sergeant Colonel Jordan Marzan na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Station 2 na nakuhanan ng video na sapilitang pinasok ang isang pribadong tahanan at umano’y nanakit ng menor de edad habang lasing.

Ayon kay Marbil, ang ginawa ni Marzan ay malinaw na paglapastangan sa tiwalang ibinigay sa pulisya ng taumbayan.

Aniya, hindi nya ito palalagpasin dahil walang puwang sa hanay ng Pambansang Pulisya ang mga abusado.

Inaksyunan na rin ani Marbil ng Internal Affairs Service ng PNP ang kasong administratibo ni Marzan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ang pagkaka-relieve naman kay QCPD Director PBGen. Melecio Buslig ay malinaw na pagpapatunay ng command responsibility na isa aniyang paalala na ang pananagutan ay hindi lamang para sa tauhan, kundi nagsisimula mismo sa mga namumuno.

Paliwanag ni Marbil, ginawa niya ang hakbang upang panatilihin ang disiplina at ibalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan.