May hinala si ACT Teachers Party-list Representative France Castro na sadyang itinago si Pastor Apollo Quiboloy.
Sinabi ni Castro na nagtaka siya dahil sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines o ISAFP sumuko si Quiboloy at hindi sa mga pulis.
Dahil dito, sinabi ni Casto na dapat na malaman kung may alam ang ISAFP sa pagtatago ni Quiboloy.
Kasabay nito, sinabi ni Castro na panahon na para harapin ni Quiboloy ang mga isinampang kaso laban sa kanya sa bansa na sex at child abuse, at human trafficking at maging ang mga kaso niya sa Estados Unidos na money laundering at human trafficking.
Kaugnay nito, sinabi ni Castro na bahala na ang korte na tumimbang kung may pagmamalabis sa pagsisilbi ng search warrant sa compound ng KOJC kung kapwa magsasampa ng kaso ang mga miyembro ng KOJC at mga pulis na nagsagawa ng operasyon.
Samantala, duda si Castro sa pahayag ni Alice Guo sa pagdinig ng Senado na walang Filipino na tumulong sa kanya at kay Shiela at Wesley Guo palabas ng bansa.
Ayon kay Castro na dapat na magsagawa ng malalimang imbestigasyon ang Deparment of Justice sa nasabing usapin.
Kasabay nito, pinayuhan niya si Guo na magsabi ng totoo upang matapos na ang mga pagdinig sa Senado at tanggalin na rin ang cite in contempt na ipinataw laban sa kanya.
Sa pagdinig ng Senado, patuloy na itinatanggi ni Guo na siya si Guo Hua Ping, na siya ay isang Filipino at hindi Chinese at Philippine passport lamang ang kanyang hawak.