TUGUEGARAO CITY-Umakyat na sa 2,227 ang naitalang kumpirmadong kaso ng covid-19 sa Region 02 matapos makapagtala ng 66 na bagong kaso ng virus ang Department Of Health (DOH)-R02, kahapon Oktubre 14, 2020 na ngayong araw inilabas.
Batay sa datos ng ahensya, mula sa mga bagong kaso, 51 dito ay mula sa probinsya ng Isabela, 15 ay sa Cagayan at isa sa Nueva Vizcaya.
Nasa 32 naman ang bagong nakarekober sa virus sa rehiyon kung saan 18 dito ay mula sa Isabela, 13 sa Cagayan at isa sa Nueva Vizcaya.
Pinakamarami pa ring may naitalang kumpirmadong kaso sa rehiyon ay ang probinsya ng Isabela na may 977 sunod ang Nueva Vizcaya na 587 , Cagayan ay may 547 , Santiago City ay 108, lima sa Quirino at dalawa sa Batanes.
Ang aktibong kaso ay nasa 462 kung saan 63 percent ay asymptomatic, 36 percent ay mild at one percent ang nasa severe condition.
Sa ngayon, umabot na sa 1,730 ang nakarekober habang 35 ang namatay dahil sa virus.
Samantala, nasa 24 na aktibong kaso ng virus ang kasalukuyang minomonitor sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kung saan 11 dito ay mula sa Cagayan at 13 ay sa Isabela.
Sa mga naitala na mula sa Cagayan, lima rito ay mula sa lungsod ng Tuguegarao, apat sa Enrile at tig isa sa Solana at Gonzaga habang sampu naman ang galing sa Ilagan City, dalawa sa Tumauini at isa sa Roxas City sa probinsya ng Isabela.
Bukod dito, 24 ang suspected cases na minomonitor din sa naturang pagamutan, 19 dito ay mula sa Cagayan, apat sa Isabela at isa sa Apayao.