Mayroon na umanong sinusundang lead ang pulisya sa pagpatay sa isang lalaking aeta na halos maihiwalay ang ulo sa kanyang katawan nang natagpuan ang bangkay sa isang palayan sa bayan ng Lasam, Cagayan.

Ang biktima ay kinilala lamang sa kanyang alias na Andulin, tubong Lal-lo, Cagayan at nagtatrabaho sa Sitio Attog, Barangay Malinta, Lasam.

Sa panayam ng Bombo radyo, sinabi ni Police Captain Antonio Palattao, hepe ng Lasam-PNP na may nakapagbigay ng mga pangalan ng person of interest na huling nakasama ng biktima bago ito namatay na siyang tinututukan ngayon ng pulisya.

Wala namang nakitang bahid ng dugo sa palayan kung saan natagpuan ang bangkay kaya hinala ng mga otoridad na pinatay ito sa ibang lugar at itinapon lamang doon ang bangkay para iligaw ang mga imbestigador.

Umaga ng Martes, March 17 nang umalis ang biktima sa kanyang kubo pero hindi na ito nakabalik hangang sa matagpuan na itong wala nang buhay na may sugat sa kanyang noo at batok, kahapon ng hapon (March 18).

-- ADVERTISEMENT --