Inamin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na may ilang retiradong opisyal ng militar na nanawagan sa AFP na bawiin ang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gitna ng mga protesta hinggil sa umano’y iregularidad sa mga flood control project.

Ayon kay Brawner, sinubukan ng ilang retiradong opisyal na hikayatin ang mga aktibong sundalo at opisyal ng AFP na kumilos laban sa administrasyon sa pamamagitan ng coup d’état, military junta, o pag-withdraw ng suporta. Gayunman, wala umanong natupad na ganitong hakbang sa panahon ng mga kilos-protesta noong Setyembre 21.

Tiniyak ng AFP chief na nanatiling tapat at propesyonal ang mga tauhan ng Sandatahang Lakas at walang sumunod sa panawagan ng mga retiradong opisyal.

Sinabi rin ni Brawner na naiparating nila sa Pangulo ang impormasyon tungkol sa mga panawagang ito, ngunit nagpahayag umano ng tiwala si Marcos sa AFP at sa kanilang liderato.

Kaugnay nito, iginiit ng Department of National Defense (DND) na walang banta o aktuwal na plano ng kudeta laban sa administrasyon, taliwas sa mga kumalat na espekulasyon.

-- ADVERTISEMENT --