
Muling iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagiging nonpartisan nito kasunod ng panawagan ni Davao 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte sa mga miyembro ng militar na “manindigan para sa katotohanan at katarungan” sa gitna ng mga isyung pulitikal sa bansa.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., batid ng militar ang mga kaganapan sa bansa ngunit malinaw na hindi kabilang sa kanilang mandato ang pakikialam sa usaping pulitikal.
“Of course, nakikita namin ang nangyayari sa ating bansa. Hindi naman kami bulag. Hindi rin kami bingi. We know what is happening. Pero hindi naman po namin mandato na makialam sa politika. That is not our mandate,” ani Brawner sa mga mamamahayag sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Dagdag niya, patuloy na gumagana ang demokratikong proseso sa bansa, kabilang ang mga pagdinig at pagbabago ng liderato sa Senado, na aniya ay patunay ng umiiral na demokrasya.
“Sa nakikita naman po natin, umaandar naman ang democratic processes… that is democracy working for us,” dagdag ng AFP chief.
Nauna rito, naglabas si Duterte ng pahayag na humihimok sa mga sundalo na suriin ang mga nangyayari sa gobyerno at panindigan ang Konstitusyon, kasabay ng mga alegoryang pananalita na tumutukoy sa kasalukuyang sitwasyong pulitikal.
Sa kabila nito, nanindigan ang AFP na mananatili itong nakatuon sa mandato nitong pangalagaan ang pambansang seguridad at umiwas sa anumang uri ng political involvement, habang patuloy na sumusuporta sa mga demokratikong institusyon ng bansa.









