Nag-alok ng tulong ang ilang foreign partners sa Pilipinas kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Lunes, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., kabilang sa mga nakipag-ugnayan at nag-alok ng suporta ang military counterparts mula sa United States, Japan, Indonesia, at iba pang bansa habang patuloy ang pagsusuri sa sitwasyon sa mga apektadong lugar.

“Maraming counterparts galing sa iba-ibang bansa ang tumawag sa akin at nag-offer ng kanilang tulong, katulad ng US, Japan, Indonesia and other countries,” ani Brawner.

Dagdag niya, bukas ang mga ito sa anumang uri ng tulong na kakailanganin ng Pilipinas habang isinasagawa pa ang assessment sa pangangasiwa ng Office of Civil Defense (OCD).

Agad ding nag-deploy ng mga sundalo sa mga apektadong lugar matapos ang lindol, kabilang ang mga yunit mula sa 10th Infantry Division, 6th Infantry Division, 1st Infantry Division, at 11th Infantry Division, upang tumulong sa search, rescue, retrieval, at relief operations.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Brawner, tuloy-tuloy ang suporta ng AFP sa mga operasyon sa pakikipagtulungan sa mga local government unit at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Sa kabila ng malakas na pagyanig, wala umanong naitalang malalang pinsala sa mga military installation at wala ring ulat ng nasawi o sugatang sundalo.

Samantala, umabot na sa 35 ang nasawi sa lindol hanggang alas-10:30 ng gabi, ayon sa OCD. Sa bilang na ito, 31 ang mula sa Soccsksargen at apat mula sa Davao Region.

Naitala rin ang 144 na sugatan at apat na nawawala, habang patuloy pang beripikasyon ang mga datos ayon sa ahensya.