TUGUEGARAO CITY- Naniniwala ang militar na nasa 12 miyembro ng Squad Tres ng East Front Comittee ng Henry Abraham Command ang napaslang sa inilunsad na ground at air attack sa bayan ng Sta Teresita, Cagayan kamakailan.
Ayon kay Major Jekyll Dulawan, Chief ng Division of Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, ito ay batay sa assessment ng Commander ng 501st Infantry Brigade na si BGen Steve Crespillo at mga kasapi ng SOCO na nagtungo sa encounter site.
Nakita sa lugar ang mga bakas ng dugo na hindi naman galing sa limang bangkay ng NPA na naunang natagpuan ng militar at may posibilidad na posibleng itinago o inilibing na lang ng mga tumakas na kasamahan nila ang iba pang napatay.
Sinabi ni Dulawan na secondary explosion ang ikinamatay ng mga ito matapos sumabog ang mga anti-personnel mines sa inilunsad na airstrike sa kuta ng mga rebelde.
Patunay din dito na marami ang namatay ay ang pagkakapaslang ng kanilang lider na nakilala lamang sa alyas na Titan, vice commander ng front operations command at lider ng squad tres.
Kasama rin sa nasawi ang asawa niyang si Alyas Jodel, isang babaeng medical officer at Alyas Marlon na isang political guide o propagandist ng naturang grupo habang hindi pa nakikilala ang dalawang iba pa.
Sinabi pa ni Dulawan na nakilala rin ng dati nilang kasamahan at secretary ng grupo na si Ivy ang tatlo sa limang nasawi.
Kahapon, inilibing na ang bangkay ng mga rebelde matapos ipasakamay sa kapulisan para sa mga pamilyang nais kumuha ng kanilang labi.
Dahil naaagnas na ay nagdesisyon ang mga otoridad na bigyan na lamang ng disenteng libing ang mga ito sa public cemetery sa bayan ng Sta Teresita.
Samantala, bukod sa mga bakas ng dugo ay nadagdagan pa ang mga narekober na landmine na umabot na sa siyam matapos marekober ang dalawa pa at dalawang blasting cap na handa nang itanim ng rebelde.
Una na ring narekober sa encounter site ang tatlong high powered firearms, limang handheld radios, apat na cellphones, assorted medical supplies at equipment, subversive documents at mga personal na gamit ng NPA.
Patuloy naman ang ginagawang clearing operation sa lugar at ang paghahanap sa mga kasamahan ng napatay sa bakbakan.
Hinimok naman ng kasundaluhan ang iba pang mga NPA na posibleng sugatan sa engkwentro na makipagtulungan sa pamahalaan at handa umano silang tumulong sa pagpapagamot.