Pinaigting ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang seguridad sa mga military facility ng bansa kasunod ng mga ulat ng umano’y espionage na may kaugnayan sa China.

Nagpaalala ang AFP na kinakailangang kumuha muna ng visit clearance ang lahat ng foreign nationals bago makapasok o makagamit ng mga pasilidad sa loob ng mga kampo militar, kabilang ang mga recreational area tulad ng golf courses.

Ayon sa AFP, bahagi na ng umiiral na polisiya ang clearance requirement para sa sinumang nais pumasok sa mga military installation. Pinayuhan ang mga dayuhan na mag-secure ng kaukulang clearance nang mas maaga at sumunod sa mga patakaran sa seguridad.

Lumabas ang paalala matapos ma-detain ang tatlong Pilipino na pinaghihinalaang sangkot sa espionage activities na may kaugnayan sa China, ayon sa National Security Council (NSC).

Sinabi ni NSC spokesperson Cornelio Valencia Jr. na natuklasan ng konseho ang umano’y pagpapadala ng sensitibong impormasyon sa Chinese government gamit ang LinkedIn at ilang gaming apps.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa NSC, ang tatlong indibidwal ay may access sa sensitibong datos: isa ay dating assistant sa Department of National Defense, ang isa ay dating researcher ng Philippine Navy, at ang ikatlo ay may koneksyon sa isang opisyal ng Philippine Coast Guard.

Dahil dito, nagpatupad din ang Philippine National Police at iba pang ahensya ng mas mahigpit na counterintelligence measures, kabilang ang mas mahigpit na screening at internal monitoring upang maiwasan ang posibleng infiltration.

Iginiit ng AFP na sapat ang kasalukuyang security protocols, ngunit kinakailangan pa rin ang mataas na antas ng pagbabantay laban sa espionage at foreign interference, lalo na sa mga lugar na may access ang publiko at nasa loob ng military installations.