
Binigyang-diin ni Vice President Sara Duterte ang mga sakripisyo na ginagawa ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Gitnang Silangan sa gitna ng tumataas na tensyon sa lugar.
Sa kanyang video message, sinabi niyang ang Semana Santa ay panahon para magnilay-nilay sa mga sakripisyo ng Panginoon na siyang paalala na ang tunay na kahulugan ng buhay ay matatagpuan sa pagseserbisyo sa iba.
Ayon kay VP Sara, ang mga OFWs ay mga buhay na halimbawa ng pagsasakripisyo.
Kasabay nito ay hinihiling umano ng lahat ang kaligtasan para sa mga Pilipinong kasalukuyang naiipit sa gulo sa Middle East.
Maliban dito, hinikayat ng pangalawang pangulo ang publiko na ngayong panahon ng Kwaresma, isapuso ang kapakanan ng Pilipinas.
Idalangin umano ang pagkakaroon ng lipunang pinatatakbo ng katotohanan, katarungan, at tapat na malasakit.
Sa huli, sinabi nitong nawa ay magsilbing inspirasyon ang araw ng sakripisyo ni Hesus para magkaisa sa isang matatag at maunlad na Pilipinas.










