TUGUEGARAO CITY- Patay ang isang Small Town Lottery (STL) agent sa bayan ng Abulug, Cagayan matapos magulungan ng isang 12 wheeler truck na may lulang bulldozer sa Brgy. Lucban.
Kinilala ang biktima na si Cesar Udaundo, residente ng Brgy. Lucban habang ang driver ng truck ay si Willie Randy Ramones, mechanic driver at residente ng Brgy. Centro, Lasam Cagayan.
Ayon kay PMAJ Ignacio Dijun Dinulong, hepe ng Abulug PNP, dead on the spot ang biktima dahil halos maihiwalay na ang ulo at lumabas na ang laman loob nito.
Agad naman na nagbigay ng flash alarm ang PNP Abulug sa mga kalapit na PNP stations matapos na iwan ng driver ang biktima kung saan ay naharang siya sa checkpoint sa bayan ng Alcala.
Sinabi ni Dinulong, sa pagpapaliwanag ni Ramones ay hindi niya napansin na nasagasaan niya ang biktima na sinusundan nito na nakasakay sa bisikleta dahil mataas ang truck at madilim na rin ang lugar ng mangyari ang insidente.