
Ipinagpaliban ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan ngayong taon.
Ito ang inanunsyo ni Governor Edgar Aglipay sa isang panayam ngayong Huwebes, Abril 16, 2026.
Ayon sa Gobernador, ang hakbang ay bilang pakikiisa sa pagtitipid ng enerhiya at pondo sa gitna ng nararanasang krisis at tensyon sa Middle East.
Sa halip na mga nakagawiang aktibidad, sinabi niyang maaaring magsagawa na lamang ng misa sa mga LGU bilang paggunita sa okasyon.
Dagdag pa niya, ang pondong nakalaan sana para sa selebrasyon ay maaaring itabi para sa susunod na taon o ilaan sa turismo at iba pang pangangailangan ng mamamayan.
Ang Aggao Nac Cagayan ay taunang pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag ng gobyerno-sibil ng lalawigan ng Cagayan.
Matatandaang nauna nang nagpatupad ang Pamahalaang Panlalawigan ng mga hakbang sa pagtitipid, kabilang ang four-day work week at pagbuo ng Provincial Economic Security and Resilience Task Force.










