Nanganak sa gitna ng daan ang isang Agta kagabi habang papunta sa Poblacion ng bayan ng Santa Teresita para sana magpagamot.

Una rito, nakatanggap ng tawag ang punong barangay ng Barangay Aridowen mula sa isang residente sa agta community at humihingi ng agarang tulong, matapos na may manganak sa gitna ng daan.

Agad naman na rumesponde ang mga pulis sa pangunguna ng kanilang hepe na si PMAJ Gary Macadangdang nang ipaalam sa kanila ang insidente, na nagkataon naman ang kanilang pagpapatrolya at pagbisita sa mga binahang mga barangay at evacuation centers.

Binigyan nila ng paunang lunas at tulong ang ginang.

Dahil sa baha at mapanganib ang bahagi ng lansangan sa Barangay Masi na kailangan na daanan papuntang Poblacion, isinakay ang ginang sa PNP mobile at dinala siya sa Municipal Health Center.

-- ADVERTISEMENT --

Agad naman siyang isinailalim sa pagsusuri at inasikaso ng medical personnel.

Nasa maayos na kondisyon ang ina at ang kanyang sanggol.

Kaugnay nito, sinabi ni Macadangdang na hindi hadlang ang masamang panahon o delikadong sitwasyon sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin.