Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahalagang papel ng mga guro sa panahon ng mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence o AI.

Sa pagdiriwang ng National Teachers’ Month, hinikayat ng Pangulo ang mga guro na hubugin ang mga mag-aaral bilang mapanuri at marunong kumilatis sa tama, mahalaga at makabuluhang impormasyon.

Ayon kay Marcos, maaaring patuloy na magbago ang mga kagamitang ginagamit sa pagtuturo at maaaring baguhin ng teknolohiya at AI ang paraan ng pagkatuto ng mga bata, ngunit hindi nito mapapalitan ang guro na gumagabay sa mga mag-aaral sa paggawa ng tamang pagpapasya.

Binigyang-diin din ng Pangulo na higit pa sa pagtuturo ng mga aralin ang tungkulin ng mga guro dahil nagsisilbi rin silang gabay at katuwang ng mga mag-aaral sa paaralan.

Samantala, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na nais ni Marcos na higit pang mapabuti ang kalagayan ng Pilipinas sa Programme for International Student Assessment o PISA.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Angara, bagama’t malayo pa ang pinakamahusay na mga mag-aaral ng bansa sa pinakamahusay na mga mag-aaral sa ibang bansa, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang mabilis na umuunlad ang resulta sa PISA.

Umaasa si Angara na lalo pang tataas ang resulta ng Pilipinas pagsapit ng 2029, lalo na sa pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program.

Inilunsad din sa pagdiriwang ang myTEC portal, isang digital na plataporma kung saan maaaring makakuha ang mga guro ng mga kagamitang panturo at materyales para sa kanilang pagsasanay at pagpapaunlad ng kasanayan.