
Itinutulak ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at South Korea ang mas matibay na ugnayan sa seguridad at kalakalan, kabilang ang pagpapalawak ng kooperasyon sa larangan ng artificial intelligence o AI.
Sa kanyang talumpati sa 49th ASEAN Summit sa Maynila nitong Lunes, sinabi ni South Korean President Lee Jae Myung na natapos na ng mga coast guard at law enforcement agencies ng South Korea at mga bansang ASEAN ang kanilang kauna-unahang konkretong proyekto.
Binigyang-diin ni Lee na mahalagang magtulungan ang dalawang panig upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mamamayan, mula sa cyberspace hanggang sa karagatan, sa gitna ng tumitinding tensiyong geopolitical at kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang ekonomiya.
Iminungkahi rin ng South Korean leader ang pagpapalakas sa ASEAN-Korea Free Trade Agreement o FTA, na naglalayong itaas sa 300 bilyong dolyar ang taunang halaga ng kalakalan sa pagitan ng dalawang panig.
Kabilang pa sa mga bagong inisyatiba ang ASEAN-Korea AI Companionship Initiative at Cultural and Creative Industries Initiative upang mas maraming mamamayan, partikular ang kabataan, ang makinabang sa pag-unlad ng teknolohiya at malikhaing industriya.
Samantala, pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang South Korea sa pakikipagtulungan nito sa maritime safety and security, gayundin sa iba pang mahahalagang larangan.
Kabilang sa mga prayoridad ng kanilang 2026 hanggang 2030 Plan of Action ang seguridad sa karagatan at enerhiya, digital cooperation sa pamamagitan ng AI, kalusugan, at technical at vocational education and training.
Binigyang-diin din ng dalawang panig ang pagsusulong ng international law at pagpapanatili ng isang bukas, inklusibo at mapayapang rehiyon.










