Beirut, Lebanon

TUGUEGARAO CITY- “Akala ko ay katapusan ko na”.

Ito ang inihayag ng isang Overseas Filipino Worker nang maganap ang pagsabog sa Beirut,Lebanon na ikinasawi ng mahigit 100 indibidwal kabilang ang dalawang pinoy.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao kay Melanie Valentin, OFW sa Beirut,Lebanon na tubong Abulug, Cagayan,kasalukuyan siyang naka-upo sa balcony ng tinirhang bahay nang makaramdam ng lindol dahil sa malakas na pagsabog kung saan agad siyang tumakbo papunta sa loob.

Aniya , mga nagsibagsakang salamin at mga sigaw ng mga tao ang kanyang sunod na narinig matapos mangyari ang pagsabog habang sila’y nakatago sa loob ng kanilang bahay kasama ang kanyang alaga.

Sinabi ni Valentin na halos hindi na niya alam ang kanyang gagawin sa oras na iyon dahil wala rin ang kanyang mga amo at tanging ang kanyang alaga lamang ang kanyang kasama.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtamo naman ng sugat sa kamay si Valentin nang mabagsakan ng salamin habang siya’y tumatakbo papasok sa loob ng tinitirhang bahay.

Bagamat may kalayuan sa mismong lugar na pinangyarihan ng pagsabog sa kanilang tinitirhan ay ramdam na ramdam umano ang pagyanig na dulot ng pagsabog.

Sa ngayon, sinabi ni Valentin na una na ring iniutos ng kanyang mga amo na sila’y pansamantala lilipat ng lugar na malayo sa city.

Tinig Melanie Valentin

Si Valentin ay limang taon nang nagtatrabaho sa Lebanon.