
Nanawagan ang Animal Kingdom Foundation (AKF) ng mas mahigpit na regulasyon at pananagutan sa mga nagbibigay ng pet cremation services kasunod ng kontrobersiya sa isang afterlife care provider na umano’y hindi tumupad sa ipinangakong serbisyo sa mga pet owner.
Ayon kay AKF President at Program Director Atty. Heidi Marquez-Caguioa, maraming pet owner ang naapektuhan matapos ipagkatiwala sa naturang establisyimento ang mga labi ng kanilang alagang hayop para sa cremation.
Binigyang-diin niya na nararapat pa ring tratuhin nang may dignidad at respeto ang mga hayop kahit pumanaw na, lalo’t itinuturing silang bahagi ng pamilya.
Hinimok ng AKF ang mga awtoridad na siyasatin ang mga pet crematorium, kabilang ang kanilang mga business permit, pasilidad at operasyon. Iminungkahi rin nito ang pagpapatibay ng batas na magtatakda ng malinaw na pamantayan at kaukulang parusa sa mga lalabag.
Posible umanong maharap sa kasong estafa ang mga sangkot kung mapatutunayan ang panloloko sa mga kliyente, bukod pa sa posibleng paglabag sa mga batas pangkalikasan at pangangalaga sa mga mamimili.
Tiniyak ng AKF na makikipag-ugnayan ito sa mga apektadong pet owner at sa National Bureau of Investigation upang makatulong sa imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaukulang kaso.










