Pinatunayan ng isang senior high school graduate mula sa Tuguegarao na hindi dugo at laman lang ang kayang sumuporta at magmahal ng tapat, kundi pati isang alagang aso.
Sa araw ng kaniyang graduation, si Jamaica Cabral ay walang magulang na dumalo.
Ngunit hindi siya nag-iisa — naroon si “Browny,” ang kaniyang alagang aso na tahimik na nakaupo sa tabi niya, tila ba proud na proud sa tagumpay ng amo.
Ayon kay Jamaica, si Browny na ang kasama niya mula pa noon.
Araw-araw niya itong kasa-kasama sa hirap at ginhawa, kaya’t hindi na rin nakapagtataka nang kusa itong sumunod sa entablado nang tawagin ang kaniyang pangalan.
Kinagiliwan ng mga guro at dumalo si Browny dahil sa magalang nitong asal, dahilan para payagan ito ng paaralan na makibahagi sa seremonya.
Sa halip na makaistorbo, lalo pa nitong pinasaya at pinaiyak ang marami sa kanilang nakaaantig na kwento.