Nabigo si Alex Eala na masungkit ang ikalawa sana niyang WTA title matapos matalo kay world No. 102 Claire Liu ng Amerika sa final ng Hong Kong Open, 3-6, 0-6.

Napanatili ni Eala ang dikdikan sa unang set hanggang 3-all, ngunit humingi ito ng medical timeout upang malagyan ng benda ang kaniyang kanang tuhod habang lamang na si Liu, 4-3. Sinamantala ng American player ang mga naging error ng Pinay tennis star upang makuha ang unang set at tuluyang dominahin ang ikalawa.

Sa kabila ng pagkatalo, nagtapos si Eala sa runner-up spot sa kaniyang huling torneo ngayong 2026, isang taong nagdala sa kaniya ng ilang career-high ranking, unang WTA 500 title sa DC Open at ikalawang WTA 125 crown sa Birmingham Open.