Nagsagawa ng executive session kahapon ang Senate panel na nagsasagawa ng imbestigasyon sa illegal Philippine offshore gaming operators (Pogos).

Ito ay matapos na mangako si dismissed Bamban Mayor Alice Guo na isisiwalat niya ang “most guilty” sa likod ng mga krimen na iniuugnay sa Pgos.

Sa pagdinig kahapon, tinanong ni Senator JV Ejercito kung si Guo ang “mastermind” sa mga krimen na iniuugnay sa sa Pogos at kung handa siya na isiwalat ang mga sangkot at kung siya ay ginamit ng international crime syndicate.

Sinabi naman ni Guo na hindi naman siya ginamit, sa halip ay may naitulong dahil sa matulungin siyang tao.

Gayonman, sinabi niya na wala siyang kinalaman sa mga aktibidad na ginawa na mga krimen ng mga nasa likod ng illegal Pogos.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa niya na hindi siya guilty sa mga alegasyon dahil isa siyang biktima at alam niya na batid na ng Senado ang mastermind.

Dahil dito, sinabi ni Ejercito na sabihin ni Guo ang kanyang mga nalalaman sa executive session kung saan pumayag naman ang huli.

Subalit, hiniling ni Guo na huwag isisiwalat sa publiko ang kanyang mga sasabihin sa executive session.