
Binigyang-diin ni Vice President Sara Duterte sa kanyang mensahe para sa Father’s Day na hindi lamang nasusukat ang pagiging ama sa ugnayan sa pamilya kundi maging sa sakripisyo at dedikasyon sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
Nagpaabot ng pagbati ang bise presidente sa mga frontliner, kawani ng Office of the Vice President (OVP), at mga miyembro ng security teams na patuloy umanong nagsisilbi para sa Diyos, bayan, at bawat pamilyang Pilipino.
Kinilala rin ni Duterte ang mga amang nagtatrabaho sa OVP na patuloy na tumutugon sa mga operasyon sa panahon ng kalamidad at iba pang gawain sa kabila ng kakulangan sa pagkilala sa kanilang mga sakripisyo.
Nagpasalamat din siya sa mga empleyado at katuwang na patuloy na nagtatrabaho sa gitna ng mga isyung pampulitika at impeachment case na kanyang kinakaharap.
Pinasalamatan din ng bise presidente ang mga nakatalagang security at support teams na araw-araw na nagtitiyak ng kaligtasan at kaayusan upang magampanan ng iba ang kanilang mga tungkulin nang walang pangamba.
Ayon kay Duterte, may ilan sa mga ito na kinakailangang malayo sa kanilang mga pamilya sa mga espesyal na araw tulad ng Father’s Day upang matiyak ang kaligtasan at kapayapaan ng iba.










