
Patay ang isang ama habang nasugatan naman ang kanyang anak na babae matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng isang computer shop sa Barangay Jaclupan, Talisay City, Cebu, kahapon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ritchard Silva De Lima, 50 taong gulang, residente ng Purok Kawayan, Sitio Tabok Sapa, Barangay Jaclupan.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Talisay City Police Station, nasa loob ng computer shop ang mag-ama nang mangyari ang insidente.
Naglalaro si De Lima sa isang computer habang nakatayo sa tabi ang kanyang anak at nanonood, nang lapitan umano siya ng isang lalaki bago biglang nagpaputok ng baril.
Tinamaan sa ulo si De Lima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Agad namang tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.
Ang kanyang 14-anyos na anak na babae ay nasugatan sa insidente at agad dinala sa isang pagamutan para sa lunas.
Naganap ang pamamaril bandang alas-5 ng hapon at iniulat sa pulisya bandang alas-5:30 ng hapon ng isang concerned citizen.
Agad namang nagpadala ng mga pulis sa lugar upang beripikahin ang ulat at rumesponde sa pinangyarihan.
Isinagawa ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang pagproseso sa lugar upang makalikom ng ebidensya.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa mga pangyayari sa insidente.










