
Hinatulang makulong ng 30 taon ang isang 46-anyos na Amerikano mula sa Kentucky dahil sa paggawa ng child sexual abuse material (CSAM) sa Pilipinas, ayon sa US Department of Justice.
Batay sa mga dokumento, may binayaran si Robert Maxwell Werner mula sa Walton, Kentucky na isang Filipino sa pagitan ng Pebrero hanggang Nobyembre ng 2021 para makakuha ng access sa mga menor de edad para sa paggawa ng CSAM.
Sa nasabing panahon, nakatira sa bansa si Werner.
Ayon sa US Department of Justice, sekswal na inaabuso ng Filipino ang mga menor de edad at pinipilit ang mga ito na gumawa ng malalaswang bagay para sa mga dayuhang customers tulad ni Werner.
Binayaran din ni Werner ang Filipino sa limang personal na pagkikita kasama ang mga menor de edad sa hotels at paupahan sa Pilipinas.
Sa nasabing pagkikita, hinalay ni Werner ang ilang menor de edad.
Bilang kapalit, nagbigay si Werner ng pera, pagkain, damit, at iba pang pangangailangan ng mga menor de edad.
Sa plea agreement, inamin ni Werner na may ginawa siyang isang CSAM na nakikipagtalik sa isang menor de edad.
Inamin din niya na dinala niya ang CSAM sa US at patuloy na humihingi ng katulad na material sa loob ng karagdagang isang buwan.
Isinagawa ng Child Exploitation Operational Unit ng Federal Bureau of Investigation ang imbestigasyon sa tulong ng National Bureau of Investigation at Office of International Affairs ng US Department of Justice.
Ang kaso ay bahagi ng Project Safe Childhood, isang inisyatiba ng US para labanan ang child sexual exploitation at pang-aabuso sa pamamagitan ng nagkakaisang pagsisikap ng federal, state, at local agencies para mahuli ang mga sangkot at mailigtas ang mga biktima.