Patuloy pa ring nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan at shear line sa malaking bahagi ng bansa.

Sa tala ng state weather bureau kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang malamig na hanging amihan ang maulap na kalangitan na may kasamang mahihinang pag-ulan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at Aurora.

Inaasahan namang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagtatagpo ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Quezon and Bicol Region. Pinag-iingat ang mga residente sa mga lugar dito dahil sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

Samantala, inaasahang makararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies. Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar dito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang namamataan ang weather bureau na anumang low pressure area (LPA) o bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

-- ADVERTISEMENT --