Makulimlim at may mga pag-uulan sa silangang bahagi ng Luzon dahil sa amihan at shear line, samantalang ITCZ naman ang magpapaulan sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao.
Pangkalahatang maayos ang panahon at tiyansa lamang ng mga localized thunderstorm ang inaasahan sa nalalabing bahagi ng bansa.
Ang 𝗦𝗛𝗘𝗔𝗥 𝗟𝗜𝗡𝗘, o angpagsasalubong ng malamig na hanging amihan at easterlies na kadalasang may nabubuong mga kaulapan at pag-ulan, ay muling bumaba at umaabot na sa Bicol Region.
Halos maulap hanggang sa makulimlim pa rin ang papawirin na may mga pag-ulan at thunderstorm sa Isabela, Aurora, Quezon, Camarines Norte, at Camarines Sur. Posible ring makaranas ng hanggang sa makulimlim na papawirin ang mga karatig na lugar.
Ang malamig na 𝗔𝗠𝗜𝗛𝗔𝗡 (𝗡𝗢𝗥𝗧𝗛𝗘𝗔𝗦𝗧 𝗠𝗢𝗡𝗦𝗢𝗢𝗡) naman ay lumalakas muli at umaabot na sa Central Luzon.
Halos maulap hanggang sa makulimlim pa rin ang papawirin na may mga mahihinang pag-ulan sa Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley.
Pangkalahatang maayos ang panahon sa Ilocos Region at nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region, ngunit may tiyansa pa rin ng mga saglit na mahinang ulan.
Habang ang 𝗜𝗡𝗧𝗘𝗥𝗧𝗥𝗢𝗣𝗜𝗖𝗔𝗟 𝗖𝗢𝗡𝗩𝗘𝗥𝗚𝗘𝗡𝗖𝗘 𝗭𝗢𝗡𝗘 (𝗜𝗧𝗖𝗭) o ang pagsasalubong ng hangin mula sa northern at southern hemisphere ay nakakaapekto sa Mindanao. Makulimlim na papawirin na may pabugsu-bugsong ulan sa malaking bahagi ng Mindanao, Eastern Visayas, Central Visayas, Negros Island Region, Western Visayas, at Palawan.
Maghanda sa posibleng malalakas na pag-ulan. Pangkalahatang maayos ang panahon sa nalalabing bahagi ng bansa, ngunit may tiyansa pa rin ng mga localized thunderstorm, lalo na sa hapon at gabi.
𝗪𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗸𝗶𝗸𝗶𝘁𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗶𝗯𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗯𝗮𝗴𝘆𝗼 na posibleng direktang makaapekto sa bansa sa susunod na tatlong araw.