
Naglabas ng ikatlong freeze order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa mga indibidwal na sangkot umano sa kontrobersiyal na flood control project.
Ang nasabing kautusan ay inaprubahan ng Court of Appeals at siyang pinakamalawak na pagyeyelo ng mga ari-arian mula nang magsimula ang imbestigasyon.
Sakop ng bagong freeze order ang 836 bank accounts, 12 e-wallets, 24 insurance policies, 81 sasakyan, at 12 real estate properties.
Sa kabuuan, mula sa tatlong magkakasunod na kautusan, umabot na sa 1,563 bank accounts, 54 insurance policies, 154 sasakyan, 30 ari-arian, at 12 e-wallets ang naparalisa ng AMLC.
Layunin nitong pigilan ang paggamit at paglipat ng pondong pinaniniwalaang mula sa mga ilegal na transaksyon, partikular sa mga proyektong may kaugnayan sa flood control.
Bukod dito, bahagi rin ito ng hakbang para mabawi ang pondong ninakaw sa kaban ng bayan at mapanagot ang mga sangkot sa money laundering.
Patuloy ang imbestigasyon ng AMLC at inaasahang may mga susunod pang hakbang upang masigurong hindi na magagamit sa katiwalian ang pondo ng gobyerno.